Pages

Thursday, April 12, 2012

‘Golden’ Bangus nadiskubre sa Pangasinan

Ipinaubaya na sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kakaibang bangus na nadiskubre sa isang palaisdaan sa Binmaley, Pangasinan noong nakaraang taon.

Kasama ang mga tauhan ng BFAR, tinungo ng GMA News ang palaisdaan sa Brgy. Linoc sa Binmaley kung saan inaalagaan ang isang taong gulang na bangus na kulay ginto ang kaliskis.

“Fry pa lang nang mapasama siya sa mga kinukuha naming sa palaisdaan. Iniiwan namin hanggang sa lumaki na siyang ganyan," ayon kay Ariel Fernandez, may-ari ng palaisdaan.

Wala naman umanong ipinagkaiba ang kinakain ng “golden" bangus sa feeds na kinakain ng ordinaryong bangus.





Matapos pormal na ipaalam ni Fernandez sa BFAR na idodonate na niya ang “golden" bangus, inilagay na ito sa styrobox at binigyan ng oxygen bago ibiniyahe papunta sa tanggapan ng ahensiya.

Pagdating sa tanggapan ng BFAR, sinukat ito at tinimbang. Higit sa isang kilo ang bigat nito at nasa 50 sentimetro o 19 na pulgada ang haba.

Ayon sa BFAR, hindi pangkaraniwang ang naturang klase ng bangus sa bansa. Pero posible umanong nagkaroon ng abnormality sa pigmentation ng isda kaya nagkulay ginto ang kaliskis nito.

Ilang taon umano ang kakailanganin para isagawa ang pag-aaral sa isda. Malaking hamon din naman sa research unit kung paano ito mapaparami.

“Albinism ang kaso niya. Sa pagdaan kasi ng panahon, doon nakikita ‘yong kakaiba (sa kanyang kulay) gaya ng mga puting kalabaw, puting tao, puting hito," paliwanag ni Dr. Westly Rosario, research unit ng BFAR.

Maaari rin umanong abutin ng apat na taon bago mai-cross breed ang “golden" bangus sa ordinaryong bangus.

Bagaman maaari umanong kainin ang “golden" bangus, nanghihinayang naman dito si Dr Rosario kaya mas makabubuting manatili na lang muna sa BFAR. -- JPonsoy/BMercado/FRJ, GMA News
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...