Pulisya sa Pozorrubio, Pangasinan pilit pinakakalma ang mga residente dahil sa paniwala sa aswang
Pilit na pinapakalma ng PNP Pozorrubio sa Brgy. Villegas, Pozorrubio, sa Pangasinan, ang mga residente sa lugar sa pamamagitan ng pagpapatrolya dahil sa hidni pa rin nawawala ang takot ng ilan na merong gumagalang aswang sa kanila.
Ayon kay SPO1 Oliver Sari ng Pozorrubio PNP, sinisikap nilang payapain ang mga residente na huwag maniwalang may aswang dahil ang ilan sa kanila ay nananatiling nagbibitbit pa rin ng sibat.
Hinahayaan naman nila ang mga ito na gumamit ng umano'y pangontra sa aswang katulad ng bawang at asin, na inilalagay sa bintana ng kanilang bahay kung sa akala nila ay ligtas sila at hindi sasalakayin ng aswang.
Ayon kay Sari, dahil sa patuloy ang usap-usapan tungkol sa aswang ay patuloy naman silang nagbabantay upang kahit paano ay kumalma ang mga kababayan.
Pinapayuhan naman nila ang mga residente na huwag sobrang maniwala hinggil sa sinasabing paggala ng mga aswang dahil maaaring sinasamantala at inililihis na ng mga magnanakaw ang atensyon ng publiko at sinasamantala naman ang pagnanakaw ng kanilang mga alagang hayop.
Kasunod na rin ito ng kumalat na balita na may mga nakikitang labi ng mga hayop na pinaniniwalaan ng mga residente na kinain na ng aswang.